Bugbugan

Sa pagpasok ng taong 2009 sa Pilipinas, umapaw mula sa cyberspace patungo sa tunay na buhay ang isang kontrobersiyang kinasangkutan ng anak ng miyembro ng gabinete ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Inaakusahan si Nasser Pangandaman, Jr. ng pambubugbog kay Delfin dela Paz at sa kaniyang anak sa Valley Golf and Country Club sa Antipolo City noong Disyembre 26, 2008. Nagpost sa kanyang blog si Bambee dela Paz, anak ni Delfin, tungkol sa pangyayaring ito:

“So, I just had the worst day of my life.

“At around 1:30 PM today, at Valley Golf and Country Club, Antipolo City, Mayor Nasser Pangandaman, Jr., Mayor of Masiu City, Lanao del Sur, his father, Secretary Nasser Pangandaman of the Department of Agrarian Reform, and company, beat my defenseless 56-year-old dad and my 14-year-old brother to a pulp because of some stupid misunderstanding on the golf course.”

Parang apoy na kumalat sa iba’t ibang blogs at iba pang websites, at pati sa email at egroups ang blog entry ni Bambee. Ibinalita rin ang kanyang mapait na kuwento sa dyaryo, radyo, at telebisyon. Lumabas sa TV ang tatay ni Bambee at ang nakababata niyang kapatid at ipinakita ang mga natamo nilang sugat mula sa golf session na nauwi sa bugbugan.

Habang isinusulat ito, 1198 comments na ang naisulat sa blog entry ni Bambee, at sari-saring pambabatikos ang ipininupukol sa mag-amang Pangandaman. May mga online petition din, kabilang ang isang mula sa Ang Kapatiran Party, para sa kanilang pagbibitiw.

Nasa korte na ang kaso — kapwa nagsampa ng asunto laban sa isa’t isa ang mga dela Paz at ang mga Pangandaman — at patuloy na umiinit ang isyu. Laman pa rin ito ng mga balita at pinagmumulan ng mga debate sa Internet.

Sabi ng kampo ni Sec. Pangandaman, hindi raw sila ang nagsimula ng gulo. Ang panawagan pa niya sa mga blogger na patuloy na nagsusulat tungkol sa usapin: “I appeal to the bloggers to stop this. They also have their families, they have parents and siblings. Our family is already hurting. I hope this doesn’t happen to you.”

Hindi nakapagtataka ang matinding reaksyon ng Pinoy blogosphere — at ng general public — sa insidenteng ito. Nangyari ito sa gitna ng panggigigil ng mga tao sa mga opisyal na umaabuso sa puwesto — yung mga nandaraya, nagsisinungaling, nanunuhol, nangungupit ng pondo sa pataba, nang-oonse ng mga magsasaka’t manggagawa. Walang nababago dahil sawa na ang marami sa people power, at ang lakas nila’y ginugugol na lang sa pagususumikap na makahanap ng pagkakakitaan. Gigil na gigil man sila, wala silang magawa kundi murahin ang mga abusado.

Tapos, bigla nilang may public official na kakampi ng administrasyon na nambugbog ng mga tao! Talagang magagalit sila — anuman ang totoong pinagsimulan ng partikular na insidenteng ito. Ang ingay na nililikha ng isyung ito ay mula sa galit ng mga mamamayang pagod na sa kawalang hustisya at sa pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan. Nagkataon lamang na ang mga Pangandaman ang pinutukan dahil sa inasal nilang di inaasahan mula sa mga itinuturing na lingkod-bayan.

(Pinoy Gazette)

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.