Pangako

Sabi ng matatanda, hindi raw mapupunta sa langit ang mga sinungaling.

Nang ipatupad ng pamahalaang Ramos ang deregulasyon sa industriya ng langis, kasabay ang pangakong ito’y magdudulot ng kabutihan sa mamamayan.

Maiiwasan, ayon sa pamahalaan, ang pagtaas ng presyo ng langis sapagkat ang deregulasyon daw ay magbibigay-daan upang makapasok ang mga bagong kumpanya sa industriya ng langis. At kapag marami ang nagseserbisyo, tiyak daw na bababa ang presyo.

Ngunit sa paglipas ng panahon, hindi pa rin nasisilayan ng sambayanan ang katuparan ng pangakong ito.

Sa halip, bumubulaga ngayon sa bayan ang buwan-buwang pangyayari ng mga kabalintunaan ng ipinahahayag ng pamahalaan. Sa Pamantasan, sa loob lamang ng tatlong taon ay nasaksihan natin ang paglundag ng pamasahe sa UP Ikot dyip mula P1.25 hanggang P1.75 at ng Philcoa at Katipunan mula P1.50 hanggang 2 piso. Sinundan pa ito ng mga pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Samantala, bagama’t paulit-ulit na ipinahayag ng Pangulo na hindi siya magdedeklara ng Batas Militar at hindi na rin tatakbo sa 1998, nakapagtatakang hindi niya dagliang pinagsasabihan ang mga pangkat tulad ng PIRMA , ilang mga kongresista at maging ang ilan sa kanyang gabinete na itigil na ang kanilang matayog na kahibangan.

Kung hindi pa nagpamalas ang mga mamamayan ng kanilang pagkakaisa laban sa pagbabago sa Konstitusyon ay maaring nag-umpisa na naman ang panibagong bangungot sa kasaysayan ng ating bansa.

Sa harap ng mga patuloy na mga pangako ng pamahalaan, tila napapanahon na upang tayong mga mag-aaral ay tumindig, sumulong at pagsabihan at paalalahanan silang mga nabubulagan ng kapangyarihan: “Sabi ng mga matatanda, hindi napupunta sa langit ang mga sinungaling.”

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.