Pitong Pinoy

Yahoo! Philippines Pitong Pinoy

Bago sumapit ang Araw ng mga Bayani, pitong Pilipinong maituturing na mga bayani sa makabagong panahon ang pinarangalan ng Yahoo! Philippines. Kinilala sila dahil sa kanilang mahalaga at patuloy na ambag sa lipunan. Mula sa daan-daang mga mungkahi mula sa mga mambabasa, narito ang mga napili ng Yahoo! para maging pinakaunang Pitong Pinoy:

Alexis Belonio. Isang mananaliksik sa International Rice Research Institute at propesor sa Central Philippine University, nag-imbento siya ng kalan na gumagamit ng gas mula sa ipa o balat ng palay. Ayon kay Alexis, ang kalagayan ng mahihirap na mga magsasaka sa gitna ng mataas na gastusin ang nagtulak sa kanyang ipagpatuloy ang kanyang imbensyon.

Jean Enriquez. Aktibista siyang lumalaban sa human trafficking at iba’t ibang uri ng karahasan laban sa mga kababaihan. Tinedyer pa lamang ay aktibista na para sa karapatang pantao, pinuno ngayon si Jean ng Coalition Against Trafficking in Women-Asia Pacific.

Jay Jaboneta. Nangalap siya ng pondo gamit ang Facebook para makapagpagawa ng bangka para sa mga batang lumalangoy makapasok lamang sa paaralan. Dahil sa kanyang sinimulan, nabuhay ang bayanihan sa bayan ng Layag-layag sa Zamboanga at nagtulung-tulong ang mga tao para makagawa ng mga bangkang masasakyan ng mga bata.

Tomas Leonor. Itinatag niya ang StepJuan, isang walking expedition kung saan naglalakad siya para maipakalat ang kamalayan tungkol sa kanser at makalikom ng pondo para sa mga batang may kanser. Nakapaglakad na siya sa may 1,241.5 kilometro sa pitong pulo at 10 lalawigan sa Pilipinas. Naniniwala si Tomas sa konsepto ng “pay it forward”: sa pamamagitan ng pagtulong sa mga bata, umaasa siyang balang araw ay ipapasa rin nila ang tulong sa iba.

Heidi Mendoza. Siya ang matapang na auditor na nagbunyag ng katiwalian sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kabila ng matinding banta sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya. Sa ilalim ng bagong administrasyon, bumalik si Heidi sa paglilingkod sa pamahalaan bilang komisyoner sa Commission on Audit. Hinihikayat niya ang bawat Pilipino na tumulong sa paglaban sa katiwalian.

Anna Oposa. Siya ang direktor ng Law of Nature of Foundation at nagpasimula ng kampanyang Save the Philippine Seas bilang reaksyon sa mga ulat ng malawakang pagkasira ng coral reefs sa iba’t ibang bahagi ng bansa. “I feel the need to fight for the environment because I’m Filipino,” ani Anna.

Tzarina Saniel. Isang guro ng kasaysayan at kolektor ng mga lumang aklat, ibinabahagi niya sa mga kabataan ang halaga ng paglingon sa mga aral ng nakaraan. Isang makabayan at tagapagsulong ng pagmamahal sa sariling wika, naniniwala si Tzarina na kailanma’y di tayo dapat mawalan ng pag-asang darating din ang pag-unlad ng ating bayan.

Bilang empleyado ng Yahoo! ay ikinararangal kong naging bahagi ako ng proyektong itong kumilala sa mga taong nagsisilbing inspirasyon sa kapwa nila Pilipino.

(Pinoy Gazette)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *