Categories
Pinoy Gazette

Bomba sa Kamara

Niyanig ng isang pagsabog sa House of Representatives ang dapat sana’y ordinaryo at payapang gabi ng sambayanang Pilipino noong gabi ng Nobyembre 13.

Kung kadalasa’y kontrobersiya at iskandalo lamang ang sumasambulat sa Kamara, nang gabing iyon ay totoong bomba ang sumabog at ikinamatay ng tatlong tao, kabilang si Basilan Rep. Wahab Akbar. Kinitil din ng pagsabog sina Marcial Taldo, driver ni Gabriela Party-List Rep. Luz Ilagan, at Maan Bustalino, staff ni Negros Oriental Rep. Henry Teves. Kapwa sugatan sina Reps. Ilagan at Teves.

Categories
Pinoy Gazette

Eleksyon sa barangay

Umuwi ako sa aming bayan sa Marinduque nitong nakalipas na barangay at Sangguniang Kabataan elections. Tumakbo kasing kapitan ang tiyo ko. Sa dalawa niyang mga kalaban, pinsang buo niya yung isa. Nagbiro nga ako: kako’y para kaming yung malalaking political families sa mga probinsya–kahit magkakamag-anak ay nagbabanggaan sa pulitika.

Pero sadyang ganyan ang pulitika sa barangay sa Pilipinas–parang mini version ng national at local elections. Sa kampanya pa lamang, makikita mo na ang karakter ng pambansang halalan: malalaking campaign funds na umaabot din daw ng milyun-milyon para sa iba; naglalakihan at nagmamahalang banners at posters na di mo malaman kung sumunod ba sa pamantayan ng Commission on Elections sa tamang sukat ng campaign materials; mga maiingay na loud speaker na nakakabit sa sasaktan; mga nagkalat na tarheta at flyers na ipinamimigay ng mga kandidato; at makukulit na mga kabuntot sa pangangampanya.

Categories
Pinoy Gazette

Suhol

Habang isinusulat ito, bagamat nagkaroon ng pagsabog sa Glorietta 2 sa Makati na ikinamatay ng 11 katao, hindi pa rin matapus-tapos ang mainit na usapin ng umano’y suhulan sa Palasyo ng Malakanyang na naganap matapos makipagpulong si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga gobernador at congressman ilang linggo na ang nakakalipas.

Si Father Ed Panlilio, ang matuwid na gobernador ng Pampanga, ang nagsiwalat na nabigyan siya ng pera sa Palasyo pagkatapos ng nasabing pulong. Sinabihan daw siya ng kanyang aide na pagkatapos ng pulong ay mamamahagi ng perang magagamit para sa mga proyekto sa baranggay. Kaya naman nang iniabot ng isa pang gobernador sa kanyang aide ang pera, tinanggap nila ito. Kalaunan, sinabi ng paring gobernador na mukha ngang suhol ang ipinamahagi sa kanila. Sumulat na siya sa Malacañang upang humingi ng paliwanag. Itinanggi naman ng Palasyo ang pamamahagi ng pera.