Wala nang silbi ang mga fraternity sa UP.

Marahil ay ganito na ang kuru-kuro ng karamihan sa atin. Masasabing hindi patas, kundi man mali, ang ganitong pagtingin. Subalit kapag sinuring mabuti, may katwiran ang ganitong argumento.

Ang halos isang siglong pag-iral ng mga fraternity sa Pamantasan ay nalambungan ng dugo ng di-iilang buhay na kinitil ng marahas na kulturang umiiral sa mga grupong ito na kung tawagin pa mandin ay “kapatiran”.

Tunay na nakapanghihinayang ang pagbabago ng kanilang dati’y maningning na kasaysayan. Nang likhain ang mga ganitong uri ng samahan, bagamat mula sa modelong Kanluranin, dakila at kahanga-hanga ang kanilang mga adhikain–pinakamataas na antas ng kagalingan sa akademya, pagsusulong ng panlipunang pananagutan at paglilingkod sa sambayanan, pagsasanay ng de-kalidad na mga ginoong magiging pinuno at huwarang mga mamamayan. Sa kasagsagan ng panahon ng aktibismo, maraming mga fraternity ang naging bahagi ng mapagpalayang kilusan.

Sa kabila ng pag-iral ng UP upang tumugon sa pangangailangang pamburukrasya ng pamahalaang mapanakop, sumibol sa Pamantasan ang mga mapagpalayang kaisipang naglayong ipagtanggol ang tunay na interes ng sambayanan at labanan ang imperyalismo at ang diktaduryang Marcos.

May panahong nagtaglay ng mga mapagpalayang kaisipang ito mga fraternity. Aktibo silang nakilahok pagkilos upang makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya. Dito magugunita ang ilan sa mga dakilang pangalan kagaya ng Renato Constantino at Ditto Sarmiento ng Alpha Phi Beta at Ninoy Aquino at Melito Glor ng Upsilon Sigma Phi.

Subalit sa kalaunan, karamihan sa mga fraternity ay tila lumingon sa mga dalumat na ipinamana sa kanila ng mga Kanluraning modelo. Sa gayon, patuloy na nanahan sa kanila ang pyudal at patryarkal na katangiang siya ring nilalabanan ng mga nagtaguyod ng aktibismo. Kaakibat na rin ang machismo at lihis na tingin sa pagkakapatiran, pagiging lalaki at pagkalalaki na nagsilang naman ng barbarikong kultura ng karahasan– karahasang pumatay kina Gonzalo Mariano Albert, Ferdinand Tabtab, Roland Perez, Arbel Liwag, Joselito Hernandez, Rolando Abad, Dennis Venturina, Mark Roland Martin, Alex Icasiano, Niño Calinao, at ngayon nga, Den Daniel Reyes.

Dahil sa mga fraternity, pumanaw ang mga iskolar ng bayang may mga pangarap para sa sarili at sa bayan. Karamihan sa kanila ay mga biktima ng hazing–naniwalang magiging tuntungan ang pagsali sa fraternity upang makamit ang mga pangarap na iyon, ngunit ni hindi na naranasan ang mga prebilihyong dulot ng pagiging fratman.

Ang iba naman ay tuluyang nilamon ng marahas na kultura kung kaya isinakripisyo ang mga buhay dahil sa walang kwentang rambol.

Samantala, si Niño, na hindi kasapi ng anumang fraternity, habang buong laya niyang pinaplano ang bukas na maaliwalas, ay nadamay nang walang kamalaymalay.

Ang pagkasayang ng buhay ng mga iskolar ng bayan dahil sa balikot at marahas na tradisyong sinusunod ng mga fraternity ay unti-unti nang nagpapaguho sa mga mabubuting kontribusyon nila sa Pamantasan at sa lipunan.

Sapagkat ngayon, sukdulan ang kanilang paghamak sa kapayapaan.

Hindi nga maaaring sisihin ang marami sa atin kung kanilang isiping wala nang silbi ang mga fraternity sa UP.

Maibababalik lamang ang kahalagahan ng mga fraternity kung kanilang babalikan at isasabuhay ang mga orihinal nilang layunin, kung muli nilang pahahalagahan ang mga simulain nina Ditto Sarmiento at iba pang mga kapatid at kasamang nabuwal sa gitna ng pakikibaka.

Sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon ng lipunang Pilipino sa ilalim ng isang mabuway na liderato, mas maraming makabuluhang isyu na maaaring pagkaabalahan ng mga fraternity. Higit na mahalaga ang mga usaping ito kaysa sa mga personal na awayan, payabangan, gantihan at mga alitang magkaminsa’y nauuwi sa kamatayan.

Mas kapakipakinabang ang katiyakan na mahusay at may nalalaman sa mga usaping panlipunan ang isang neophyte kaysa sa malamang kaya niyang tiisin ang sanlaksang suntok, palo, tadyak at pagkaalipin sa ngalan ng kapatiran.

Panahon na upang iwaksi ang karahasan.

Kung magaganap ito, tsaka pa lamang mahuhugas ang dugong kumukulapol sa nagdadaupang mga palad ng magka-brods sa harap ng kabaong ni Daniel.

Kung magaganap ito, mawawala ang insultong sumasampal sa puntod ni Niño sa bawat sulyap ng mga dumadalaw na fratman–may kinalaman man o wala sa kanyang kamatayan.

Saka pa lamang mababawi ang dagok sa alaala ni Niño nang habang ang kanyang mga kaibigang nagtitipon bilang paggunita sa kanya, ang mga barbarikong kasapi ng dalawang fraternity naman–kabilang ang isang grupong kinabibilangan ng pinaghihinalaang may kinalaman sa pagpaslang sa kanya–ay nagpapatayan dahil lamang sa nagalusang ego.

Panahon nang talikuran ang walang katuwirang pananahimik at bulag na pagkampi sa nagkasalang ka-brod. Sa gitna ng laganap na kroniyismo at barkadahan sa rehimeng Estrada, kalabisan nang palawakin at panatilihin pa ang ganitong sistemang padrino. Huwag na sanang dagdagan pa ang ngitngit na hatid ng patuloy na pananatili sa Malacañang at pagprotekta ng kanilang ka-brod sa mga diumano’y pumatay kay Lenny Villa, isang biktima ng hazing mula sa Ateneo na di pa rin nagkakamit ng katarungan.

Panahon nang tugunan ang tawag ng mga mag-aaral at sambabayan.

Sa gitna ng garapalang pagpapabaya sa edukasyon, may mas mahalagang laban ang mga fraternity. Sa pagtuloy na pagkakalublob ng bayan sa kahirapan, may mas mabigat na responsibilidad ang mga fratmang iskolar ng bayan.

Hindi hinihiling na ang mga fraternity ay pasakop sa iisang uri ng pakikibaka upang muling makapaglingkod sa bayan. Napakaraming paraan upang isabuhay ang pagiging tunay na lingkod ng taumbayan. Ngunit ang walang saysay na karahasan, ang pagpatay na ni hindi bunsod ng makatarungang ideolohiya ay hindi kabilang sa mga paraang ito.

Ang tanging pakiusap ay kanilang ibalik ang dati nilang gilas, muling balikan at isabuhay ang maningning nilang kasaysayan, at talikuran ang mga mapanganib na kaisipang ngayo’y lumulukob sa kanila.

Mas kagyat at makatarungan ang kahilingan at pangangailangan ng kapwa mag-aaral at ng sambayanan. Sila ang dapat na pag-alayan ng lakas ng mga kasapi sa mga fraternity.

Hangga’t hindi ito naisasagawa, mananatiling walang silbi ang mga fraternity sa Pamantasan ng Pilipinas.

Hangga’t hindi ito nagaganap, patuloy magiging matinik ang ating pagtahak sa landas ng katarungan para sa mga katulad ni Niño Calinao.

Unang nalathala sa Philippine Post, ang sanaysay na ito’y sinimulang sulatin ng may-akda habang siya ay nasa burol ng kaibigang si Niño Calinao, na pinaslang sa UP campus noong Pebrero 19, 1999. Inayos niya ito at ipinasa sa Post matapos mapatay si Den Reyes, kasapi ng Alpha Phi Beta, habang nakikipag-rambol sa mga taga-Sigma Rho, kasama ang kanyang mga brods. Ironically, namatay si Reyes habang isinasagawa sa Bahay ng Alumni ang isang concert bilang pag-alaala sa unang anibersaryo ng pagkakapatay kay Niño.

Related Works
0 Comments

Add comment